June 16, 2025

Nonito Donaire, wagi sa pagbabalik sa lona

MANILA — Muling pinatunayan ni Filipino boxing icon Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. na hindi pa tapos ang kanyang karera matapos talunin si Andres Campos ng Chile sa pamamagitan ng technical decision upang makuha ang WBA interim bantamweight title sa Casino Buenos Aires, Argentina nitong Linggo (oras sa Pilipinas).

Sa edad na 42, ipinakita ni Donaire na taglay pa rin niya ang bagsik matapos magpakawala ng matutulis na counterpunches at gamitin ang kanyang taas at abot bilang kalamangan kontra sa mas batang kalaban.

Tumigil ang laban sa ikalabing-isang round matapos magkaroon ng malalim na hiwa sa kanang kilay si Donaire dulot ng accidental head clash. Dahil dito, kinonsulta ang scorecards ng mga hurado.

Lahat ng tatlong hurado ay pabor kay Donaire:

87-84, 87-84 at 88-83 — sapat para ideklara siyang panalo sa pamamagitan ng technical decision.

Ito ang unang panalo ni Donaire matapos ang dalawang sunod na pagkatalo:

Knockout loss sa rematch kay Naoya Inoue noong 2022

Unanimous decision loss kay Alexandro Santiago noong Hulyo 2023 para sa bakanteng WBO bantamweight title

Sa rekord ngayon na 43 panalo, 8 talo, at 28 knockouts, muling nabuhay ang tsansa ni Donaire na maging world champion, at posible niyang harapin ang mananalo sa laban nina Antonio Vargas at Daigo Higa sa Hulyo 30 sa Yokohama, Japan para sa full WBA bantamweight championship.

Samantala, inaabangan rin ang pagbabalik sa ring ng isa pang alamat ng boksing na si Manny Pacquiao, na lalaban sa World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios ng U.S. sa Las Vegas sa Hulyo 19. Ito ang unang laban ni Pacquiao mula nang magretiro siya noong 2021. Sa edad na 46, inaasahan ang matinding atensyon sa kanyang pagbabalik. (RON TOLENTINO)