October 28, 2024

‘NO VAXX OR NO COVID TEST, NO ENTRY’ IPATUTUPAD SA CLARK

CLARK FREEPORT – Ipatutupad ng Clark Development Corporation (CDC) ang “No Vaxx or No COVID test, No Entry’ policy sa Freeport na ito simula Enero 15, 2022.

Sa inilabas na memorandum ng state-owned corporation noong Huwebes, nakasaad na kailangan ipakita ng lahat ng manggagawa, service providers, locators at visitors sa Clark ang kanilang vaccination at identification card bago makapasok sa Freeport. Ayon sa CDC,tatanggapin din ang electronic copies ng vaccination at identification cards.

Samantala, para sa unvaccinated individual ay kinakailangan nilang ipakita ang negative antigen o RT-PCR result na kinuha sa loob ng 24 oras upang payagan makapasok sa zone. Magiging handa rin ang seguridad ng CDC na i-refer sila sa pinakamalapit na medical facility sa labas ng zone na nag-aalok ng antigen testing services.

Ayon sa CDC, bilang karagdagan sa mga inspeksyon sa mga gate, ang mga negosyo sa loob ng Freeport ay inatasan din na hanapan din ang mga guest at visitor ng mga vaccination card bago pumasok sa kanilang lugar. Hiniling din sa mga driver at samahan ng mga driver ng Public Utility Vehicles (PUVs) na sumunod sa patakaran bago payagang sumakay ang mga pasahero.

Magsasagawa rin ang state-owned firm ng secondary layer ng inspeksyon at random inspection sa mga business establishment, offices at residential areas sa loob ng Freeport upang matiyak na nasusunod ang polisiya.

Muling iginiit ni CDC President and CEO Manuel R. Gaerlan ang kahalagahan ng pagsunod sa minimum health at safety standards sa gitna ng patuloy na pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.

“The cooperation of the public is requested. Your safety is our priority. Mag-ingat po tayong lahat,” dagdag ni Gaerlan. BOY LLAMAS