November 3, 2024

‘NO VACCINATION, NO WORK’ POLICY PINALAGAN NG LABOR GROUP


PUMALAG ang pinakamalaking grupo ng unyon sa bansa na Associated Labor Unions (ALU) sa plano umano ng ilang employer at mga negosyante na magpatupad ng ‘no vaccination, no work’ policy para mapilitan na magpabakuna kontra COVID-19 ang kanilang trabahador bago makapasok sa trabaho.

Nakarating sa labor union ang mga reklamo mula sa ilang miyembro nila na hindi sila papagayang makapagtrabaho ng kanilang mga superior hangga’t hindi magpapabakuna sa COVID-19 vaccination activities ng kanilang kompanya.

Habang ang ibang business owners ay nagbigay ng tagubilin sa mga supervisor at manager na ang mga hindi sasaling empleyado ay idedeklara umanong ‘unfit to work.’

Mayroon din umanong employer na hihingi ng sertipikasyon bilang katibayan na nakapagpabakuna na ito para papasukin. Mayroon din umanong pagbabanta na maililipat ng branch ang mga hindi magpapabakuna samantalang ang iba ay ilalagay muna sa floating status.

Dahil dito, sinabi ng ALU na ““discriminatory at coercive” ang nasabing polisiya.

“Employees, either in private or in government, must never ever be subjected to any compulsion. The decision of any person not be vaccinated should be respected in the same way we respect those who had taken the vaccine,” pahayag ni Gerard Seno, ALU national executive vice president.

Dapat aniya na ngayon pa lamang ay ipagbawal na ang nasabing polisya ng Department of Labor and Employment (DOLE).