May 5, 2025

NNIC, Aalisin 27 Abandonadong Eroplano sa NAIA

MAYNILA, Pilipinas — Inanunsyo ni Lito Alvares, ang General Manager ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), na magsisimula na silang alisin ang 27 abandonadong eroplano sa general aviation area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Layunin nitong mapabuti ang kaligtasan, mapadali ang operasyon sa airside, at masulit ang limitadong espasyo sa paliparan.

Ayon kay Alvares, ilang taon nang nakatengga ang ilang mga abandonadong eroplano sa NAIA kahit na may mga naunang hakbang upang maresolba ang isyu. Halimbawa na rito ang isang Cessna 421B na nakaparada sa NAIA simula pa noong 2009, at isang Boeing 737-200 na sumasakop ng 865.52 square meters sa North Taxiway Extension na hindi na rin nagagamit simula pa noong 2015.

“Ang patuloy na presensya ng mga ito ay naglilimita sa operational capacity at nagdudulot ng mga panganib sa kaligtasan at seguridad. Ang paglilinis ng mga eroplanong ito ay magpapalaya ng espasyo na mahalaga sa pagpapabuti ng parking at ground movement ng mga eroplano, lalo na’t patuloy na tumataas ang traffic sa NAIA,” pahayag ni Alvares.

Simula nang kuhanin ng NNIC ang operasyon ng paliparan noong Setyembre 2024, sinabi ni Alvares na ang kumpanya ay nakikipagtulungan sa mga stakeholders upang i-modernize ang mga pasilidad ng paliparan at matugunan ang mga matagal nang suliranin sa operasyon.

Hinimok ni Alvares ang mga may-ari ng mga abandonadong aeroplano na makipag-ugnayan agad sa NNIC upang tiyakin ang pagmamay-ari at mapadali ang retrieval o tamang disposisyon ng mga ito. Kung walang hakbang na gagawin, magpapatuloy ang NNIC sa pagtanggal at pag-dispose ng mga aeroplano alinsunod sa mga umiiral na batas.

Nakipag-ugnayan na rin ang NNIC sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) upang tukuyin ang mga abandonadong eroplano. Naglabas na sila ng mga formal na abiso sa mga may-ari o kanilang mga kinatawan. (ARSENIO TAN)