
MANILA — Nanawagan ang non-government organization na Climate Conflict Action Asia (CCAA) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-veto ang mga panukalang batas na nagpapaluwag sa mga umiiral na polisiya sa pag-aari ng baril, na anila’y maaaring magdulot ng seryosong banta sa kapayapaan at kaligtasan ng publiko.
Tinukoy ng grupo ang House Bill No. 11539 at Senate Bill No. 2895 na kapwa naaprubahan na sa ikatlo at pinal na pagbasa. Layunin ng mga panukalang ito na baguhin ang ilang probisyon ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Taasan ang limitasyon sa pagbili ng bala sa 500 rounds para sa non-sport shooters at 5,000 rounds para sa sport shooters
- Palawigin ang bisa ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) mula 2 taon tungo sa 5 taon
- Paikliin ang election gun ban mula 90 araw bago at 30 araw pagkatapos ng halalan tungo sa 45 araw bago at 5 araw pagkatapos
Ayon sa CCAA, na nagsusubaybay sa mga insidente ng karahasan sa rehiyon ng Bangsamoro, ang pagpapalawig sa permit at pagpapahintulot ng mas maraming bala ay maaaring magamit ng mga armadong grupo sa mga insidente ng karahasan. Binigyang-diin ng grupo na dapat ay may kaakibat itong mahigpit na monitoring at karagdagang rekisitos upang maiwasan ang pagsasamantala.
Mariin din nilang tinutulan ang pagbabago sa election gun ban period, na ayon sa kanila ay tanging Commission on Elections lamang ang may konstitusyonal na kapangyarihang baguhin.
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), 3,616 katao ang inaresto sa loob ng anim na buwang election gun ban mula Enero 12 hanggang Hunyo 11. May naitalang 100 insidente ng election-related violence (ERV) — higit tatlong beses kaysa sa 27 ERIs noong 2022.
More Stories
Baha, Sira-sirang Silid-Aralan at Kakulangan sa Upuan, Problema sa Balik-Eskwela 2025
2 huli sa traffic violation, nalantad na sangkot sa extortion gamit ang pangalan ni Liza Marcos
Nonito Donaire, wagi sa pagbabalik sa lona