December 27, 2024

NGCP, MORE dapat sisihin – Solon… PANAY ISLAND ‘NILAMON NG DILIM’


NANINIWALA ang isang mambabatas na hindi lang ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang dapat sisihin sa nangyaring Panay Island-wide blackout.

Para kay ACT Teachers Rep. France Castro, may pananagutan din ang power distribution firm na MORE Electric and Power Corporation sa power outages sa naturang rehiyon.

Ayon sa mambabatas, nagdurusa ang mga residente sa Panay Island at ilang bahagi ng Negros Island dahil sa kakulangan ng paghahanda ng mga power players sa lugar.

Nilamon ng dilim ang mga kabahayan sa Panay Island matapos mag-shut down ang mga power plants noong Enero 2.

Sa inilabas na abiso, unang sinabi ng NGCP na tanging power plants lang sa Panay Island ang pumalya, pero kalaunan, buong Negros-Panay grid ang nagkaroon ng aberya.

Ayon sa mambabatas, nakakadismaya na pagpasok ng taon ay ganito ang sasalubong sa mga residente ng Panay.

Nangyari na rin aniya ito noong nakaraang taon at ngayong 2024 ay naulit na naman.

“Milyon-milyong mamamayan ng Panay ngayon ang nagdurusa sa init at kawalan ng kuryente dahil hindi na naman ito napaghandaan ng mga power player. Suspendido ang mga klase at bagsak ang negosyo ng marami,” saad ng kongresista.

Nais din ni Castro na pagpaliwanagin ang distribution utility sa rehiyon at alamin kung ano na ang mga ginawa nitong hakbang para maisaayos ang kanilang imprastraktura para sana mas naging maayos ang koordinasyon sa pagitan ng mga system grid operator at generator.

“As it is though it is not just the power generators’ and NGCP’s fault, the distribution utility (DU) namely MORE Electric and Power Corporation of the Razon group of companies is also responsible for this…what has it done to improve its distribution infrastructure backbone and does it have seamless coordination with the system grid operator and the generators?” giit pa ng kinatawan.

Umaasa ang mambabatas na agad itong maisasaayos at maibabalik ang suplay ng kuryente dahil kung hindi ay dapat na itong paimbestigahan. Sa ngayon, limitado pa rin ang suplay ng kuryente sa Panay Island matapos huminto sa operasyon ang apat na planta dahil sa pagpalya at maintenance shutdown.