November 3, 2024

Newsstands sa Baguio pinababaklas

Naalarma ang mga kosa nating mamamahayag sa planong tanggalin ang lahat ng abala sa kalsada kabilang na ang mga newsstands sa central business district sa Baguio City.

Hindi lang ang mga mamamahayag ang tatamaan sa nasabing plano kundi maging ang mga pobreng vendor ng mga diyaryo ay nanganganib mawalan ng pagkakakitaan.

Paalala ng mga kosa natin sa administrasyon ni Mayor Benjamin Magalong na ang naturang siyudad ay may ‘historic ties’ sa journalism. Gets n’yo?

Pero ayon sa business licensing office na kailangan sumunod ng lokal na pamahalaan na linisin ang mga sidewalks sa anumang uri ng sagabal na ipinag-utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte bago pa man ang Luzon lockdown noong Marso.

Sa Disyembre 15 ay makikipagpulong si City permits and licensing officer Allan Abayao sa mga newspaper at magazine vendor gayundin sa microentrepreneurs tulad ng mga nag-aayos ng relo, upang klaruhin ang isyu at upang ilipat sila sa nararapat nilang kalagyan para sa kanilang negosyo.

Pero binatikos ng mga kosa nating mamahayag ang plano at  hiniling sa city government na iwasan ang pagtrato sa mga newsstands bilang “eyesores.”

“Malaki ang papel ng mga newspaper vendor sa pagbibigay ng balita at impormasyon sa publiko. Pero tulad ng mga mamamahayag na nagsusumikap na mabuhay, ang mga maliliit na newsstand owners ay magdamag na naghihintay sa mga kalsada araw-araw para makakuha ng komisyon mula sa kanilang ibinibentang diyaryo,” ayon sa isang mamamahayag.

Kung tatanggalin nga naman ang mga vendor na ito ay parang tinabla mo na rin ang mga mamamahayag.

Hindi ba nangangamba si Mayor Magalong na baka tuluyang masira ang magandang samahan ng mga mamamahayag at ng siyudad?

Baka mas mainam kung pag-isipan ninyo munang mabuti ang plano at bigyan ang mga newspaper vendor nang ligtas na lugar para makapagbenta kung saan madali silang mahahanap ng kanilang mga suki nang hindi nakaabala sa kalsada.