January 23, 2025

Netizen kay Rep. Mike Defensor: Papatayin ko anak mo!

HUMINGI na ng tulong si Anakalusugan party-list Representatives Mike Defensor sa National Bureau of Investigation (NBI) para hanapin ang isang netizen na nagkomento sa kanyang post sa Instagram na pinagbabantaan na papatayin ang anak niya na si Juliana.

“Nagulat ako kasi nung Linggo, parang pinost ko yung the night before the novena noong aming anak. Tapos merong nagkomento doon, ‘Papatayin ko yung anak mo, g*go.’ Yung pangalawang sinabi niya, parang ‘Mata sa mata, buhay sa buhay, papatayin ko si Juliana,'” salaysay niya.

“Siyempre nakakabahala yung ganun. Hindi mo alam kung saan nanggaling yung, kung ano yung isip ng taong yun, at hindi maganda yung ganun,” dagdag pa niya.

Dahil dito humingi na siya ng tulong sa NBI upang matukoy ang pagkakilanlan ng nasabing netizen.

“Nagpa-message muna ako para madaling ma-trace. Alam ko dinelete niya e pero nakuha namin yung pangalan and hopefully ma-trace namin ito,” aniya.

Inamin ni Defensor na madalas siyang nakatatanggap ng death threats at mga pagmumura nitong mga nakaraan araw kaugnay sa mga kanyang paninindigan sa kontrobersiyal na isyu pero hindi niya ito pinapansin.

“Kung minsan siyempre kapag hindi na masyadong maganda ang lengguwahe, dine-delete yan. Pero kung nagmumura lang siya, pinapabayaan ko,”  paliwanag niya.

Pinaalalahanan niya ang publiko na maging responsible sa paggamit ng social media at irespeto ang opinyon ng ibang netizen maging ito man ay salungat sa kanilang paniniwala.

“Siguro dapat magkaroon din tayo ng disiplina at paggaling sa isa’t isa na may mga salitang hindi dapat. May mga gawaing hindi dapat. May mag lengguwahe, pagmumura na iwasan natin,” saad niya.

“Magkaroon man tayo ng iba’t ibang pananaw sa pulitika, iba’t iba ang ating paninindigan, pero dapat bukas tayo sa pag-uusap at pagsasalita nang hindi nagmumura at nag-aaway,” dagdag pa niya.