November 23, 2024

NEGOSYANTENG KIDNAP VICTIMS PINUTULAN NG DALIRI SA PAA BAGO PINATAY (4 suspek arestado)

ARESTADO ng Philippine Naitonal Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang apat na dayuhan – tatlong Chinese at isang Vietnamese – na suspek sa umano’y pagdukot at pagpatay sa Filipino businessman na si Mario Sy Uy sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Bei Huimin, 30; Shen Jielong, 26; at Sun Xiao Hui, 26 kapwa Chinese national na nadakip sa Parañaque.

Naaresto ang tatlong dayuhan matapos mag-withdraw si Bei ng ransom money na idineposito sa kanyang bank account. Kasama niya noong sina Shen at Sun.

Habang naaresto naman ang isa pang suspek na isang Vietnamese na si Hong Phuc Le, 33, sa Taguig City na unang nagdeposito ng ransom na P560,000 sa kanyang bank account. Narekober din sa kanya ang cellphone ng biktima matapos siyang maaresto ng mga awtoridad.

Nabatid na papunta si Uy sa kanyang tindahan sa Barangay Veterans Village noong Marso 18 nang dukutin ng mga armadong kalalakihan.

Ayon sa PNP-AKG, nakatanggap ng mahigit sa P1 milyon na ransom ang mga suspek. Lumalabas sa imbestigasyon na walang  planong pakawalan ang biktima ng mga suspek.

Una, P300,000 lang, at naibigay naman ng family ang agreed amount. Pero tinorture pa rin nila iyong victim, pinutulan pa rin nila ng daliri sa paa,” ayon kay  Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo.

Ang bangkay ni Uy ay natagpuan ng mga estudyante sa isang madamong lugar ng Saddle and Leisure Park sa Tanza, Cavite noong Marso 22.

Nahaharap ang apat na dayuhan sa kasong kidnapping for ransom at serious illegal detention with murder.