June 3, 2025

NEGOSYANTE, TINUTUKAN NG BARIL SA CALOOCAN! SUSPEK, ARESTADO SA FOLLOW-UP OPERATION

SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos pagbantaan at tutukan ng baril ang 53-anyos na babaeng negosyante sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police Station kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, sinabi ng biktima na nakatanggap siya ng mga mensahe ng pagbabanta sa pamamagitan ng facebook messenger mula sa suspek na si alyas “Michael”, 38, at sinasabing kanyang kaibigan.

Pagdating niya sa kanyang bahay, laking gulat ng biktima nang madatnan sa loob ng bahay ang suspek ng walang pahintulot sa kanya at nang tangkain niyang umalis ay hinarang siya ng lalaki.

Nauwi ang dalawa sa pagtatalo hanggang maglabas ng baril ang suspek at tinutukan nito ang biktima.

Matapos ang insidente, humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 8 ay naaresto ang suspek at nakuha sa kanya ang isang lisensiyado at nakarehistro sa kanyang pangalan na Glock 17 9mm pistol na kargado ng apat na bala.

Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong Grave Threat, Grave Coercion under the Revised Penal Code, at paglabag sa RA 10591 in relation to Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code) sa Caloocan City Prosecutor Office.