September 19, 2024

Negosyante itinumba sa resto sa QC

AGAD binawian ng buhay ang isang negosyante matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang restaurant sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Mark Bien Urieta, 36, may-ari ng Crabaholic Restaurant na matatagpuan sa E. Rodriquez Avenue corner Banawe St., Brgy. Doña Josefa sa nasabing lungsod.

Ayon sa kahera ng restaurant,  dakong alas-6:30 ng gabi nang pumasok ang suspek kasama ang isang babae para magpa-reserve sa nasabing restaurant kaya tinawag niya si Urieta para kausapin.

Nang lumapit ang nasabing biktima, agad bumunot ng baril ang suspek at walang sabi-sabi ay pinagbabaril ang una.

Mabilis na tumakas ang dalawa matapos ang pamamaslang lulan ng motorsiklo.

Napag-alaman ng pulisya na dalawang linggo na ang nakaraan nang tambangan din si Urieta sa Algeziras St., Sampaloc, Maynila na masuwerteng nakaligtas.

Patuloy na tinutugis ng QCPD ang gunman para malaman kung ano ang motibo sa pamamaslang. BERNIE GAMBA/JIMMY MENDOZA