September 21, 2024

NEGOSYANTE ITINUMBA SA HARAP NG KAPITBAHAY

DEDBOL ang isang 46-anyos na negosyante matapos pagbabarilin ng hindi kilalang gunman habang nakikipag-usap sa kanyang kapitbahay sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, si Gualberto Arizala, Jr. ng Bkl 38 Lot 10 Phase 2 Area 4 Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan ay hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ni PCpl Florencio Nalus, dakong 6 ng umaga, kausap ng biktima ang kanyang kapitbahay na si Rolando Garcia, 53, tricycle driver, sa Blk 38 Martiniko basketball court, Brgy. NBBS Dagat-dagatan nang dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril si Arizala sa harap ng kausap.

Matapos ang insidente, sumakay ang suspek sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng hindi rin kilalang kanyang kasabuwat bago humarurot patakas patungong Malabon City area habang dinala naman ng kanyang kaanak ang biktima sa naturang pagamutan.

Kaagad namang nagsagawa ng dragnet operation ang Kaunlaran Police Sub-Station sa kahabaan ng Maya-Maya St. Brgy. NBBS subalit, nabigo ang mga ito na maaresto at matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek. Narekober ng pulisya sa crime scene ang limang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril habang patuloy naman ang follow-up imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek at inaalam pa ang motibo sa insidente.