MATAPOS makatanggap ng mga ulat sa umano’y pagsira at pagwasak sa mga dokumento sa iba’t ibang regional offices ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), humingi ng tulong si Sen. Christoper “Bong” Go sa National Bureau of Investigation (NBI) upang protektahan ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa sistematikong korapsyon sa ahensiya.
Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, na-update na siya ng NBI na mahigpit na binabantayan ng kanilang mga tauhan ang mga regional offices ng PhilHealth sa utos na i-secure ang lahat ng dokumento at posibleng ebidensiya na magagamit sa imbestigasyon.
“The NBI said that they will also conduct an inventory of all cases being handled by PhilHealth regional legal offices in order to secure documents including affidavits and hospital records. They will also secure possible witnesses,”saad ni Go.
Aniya napag-usapan na nila ni Director Eric Distor, NBI officer-in-charge, ang pangyayari.
Iginiit ni Go na arestuhin at kasuhan ang sinumang magtatangka na magbura o sumira ng PhilHealth public records lalo na kung may kaugnay ito sa kaso na iniimbestigahan.
“Kaya nga ilang beses ko nang sinabi — pilayan, putulan ng daliri upang hindi na makagalaw. Gamitin dapat ng task force ang ngipin nito para matigil ang kalokohan na nangyayari sa PhilHealth,” sambit ni Go.
“’Yung mga magtatangkang magtago ng ebidensya, dapat talaga maparusahan upang hindi na makapagtago ang mga nagtatago, at hindi na makagalaw ang mga magnanakaw. Dapat lumabas ang katotohanan at mapanagot ang dapat managot,” dagdag niya.
Isiniwalat ni Distor na ang kautusan ay inisyu na nagdidirekta sa pag-deploy ng mga ahente sa iba’t ibang tanggapan ng PhilHealth matapos silang makatanggap ng mga ulat ng mga plano upang sirain ang dokumento na mga ebidensya sa mga maling gawain.
“Nabalitaan namin sa Pangasinan sa Region 1 nasira daw ‘yung mga dokumento dahil sa ulan. I’m urging the NBI task force to investigate kung mayroon bang kalokohan dito,” ani ni Go.
“Kung totoong ulan, okay lang po pero kung sinadyang sirain ‘yung mga dokumento ay ibang usapan na po ‘yan, dapat silang managot. Dapat malaman kung dulot lang ba talaga ito tagas ng bubungan, may kapabayaan bang naganap, o sadyang hinayaang masira ang mga dokumento,’’ aniya.
Tinatawagan ko ang pansin ng pamunuan ng PhilHealth. Ang laki-laki ng pondo ninyo, tapos hindi niyo mapagawa ang bubong ng isang opisina ninyo! Gamitin niyo po sana ng tama ang pondo ninyo para sa pagpapaayos ng inyong mga opisina at ng inyong serbisyo sa tao,”dagdag niya.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY