
MANILA — Kikilos na ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang umano’y troll farm ng China na ginagamit upang impluwensyahan ang political discourse sa Pilipinas.
Kinumpirma ito ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya sa isang ambush interview matapos ang pagdinig ng Senate special panel on maritime and admiralty zones nitong Huwebes.
“Ayon sa aming nakalap, may local troll farm na ginagamit ng China para manipulahin ang usaping pampulitika sa bansa. Sigurado akong may implikasyong kriminal ito kaya’t NBI ang nararapat na magsiyasat,” ani Malaya.
Sinabi rin niyang dapat agad simulan ng NBI ang case build-up, simula sa kumpanyang Infinitus Marketing Solutions — isang kumpanyang rehistrado sa Pilipinas na nakabase sa Makati.
“We’ve seen the cheque, the company details, and the address — doon na agad dapat magsimula ang imbestigasyon,” dagdag pa ni Malaya.
Ibinunyag ni Senador Francis Tolentino sa pagdinig ang diumano’y service agreement sa pagitan ng Chinese embassy sa Manila at ng Infinitus. Nakasaad umano sa kasunduan ang pagbabayad sa kumpanya para mag-recruit ng mga “keyboard warriors” o trolls na layuning sirain ang gobyerno at ilang personalidad sa bansa.
Bukod sa imbestigasyon ng NBI, sinabi ni Malaya na dapat ding silipin ng Commission on Elections (Comelec) kung may nilabag na regulasyon ang naturang kumpanya lalo na kung may kinalaman ito sa eleksiyon.
“Maaaring may makita ang Comelec na paglabag sa kanilang mga patakaran na maaaring maging basehan para makasuhan ang mga nasa likod nito,” ani Malaya.
Hinikayat din niya ang Kongreso na isulong ang Foreign Interference and Malign Influence Act — isang batas na ginagamit sa ibang bansa para kasuhan ang mga dayuhang nakikialam sa mga lokal na usapin.
Habang umiigting ang tensyon sa West Philippine Sea, isang panibagong hamon sa soberanya at demokrasya ng bansa ang nilalatag ng alegasyon ng cyber-espionage. Nananawagan ang publiko ng masusing imbestigasyon, at higit sa lahat — paniningil ng pananagutan.
More Stories
Pinay Lawyer, Pasok sa Top 200 World Rankings sa Padel
QC Todo na sa Kalikasan! Fashion Show, Tree Giveaway at Plastic Ban, Tampok sa Earth Day 2025
REBELDE NA NANUNOG NG SIMBAHAN SA ILIGAN, ARETADO SA BUKIDNON