November 18, 2024

NBI mag-iimbestiga | 4 SUNDALO TODAS SA MGA PULIS

Dumating ang tatlong bangkay sa apat na sundalong napatay sa Jolo, Sulu sa Villamor Airbase sa lungsod Pasay at binigyan ng military arrival honor matapos mapatay ng mga Jolo Municipal Police Station sina Maj Marvin Indamog, Capt. Erwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco at Cpl. Abdal Asula sa kabila ng pagpakilalang mga sundalo na nagmamanman  sa mga terorista na suicide bomber sa nasabing bayan. (DANNY ECITO)

INATASAN na ni National Bureau of Investigation (NBI) Officer-In-Charge Eric Distor ang NBI-Western Mindanao Regional Office (NBI-WEMRO) na imbestigahan ang nangyari sa apat na sundalo na nasawi matapos makaengkwentro ang mga pulis sa Jolo, Sulu.

“Ang imbestigasyon is being handled by our Western Mindanao Regional Office under Regional Director [Moises] Tamayo,” ani ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin.

Ayon kay Lavin, ibinigay ni Distor ang direktiba batay sa request ng Philippine Army’s Western Mindanao Command (WesMinCom).

Dagdag ng NBI spokesman, wala pang ibinibigay na deadline si Distor sa mga imbestigador kung kailan matatapos ang imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Kinilala ang mga nasawi na sina Maj. Marvin Indamog, commanding officer of the Army’s 9th Intelligence Service Unit (9ISU), Capt. Irwin Managuelod, field station commander, at intelligence operatives Sgt. Eric Velasco and Cpl. Abdal Asula.

Ayon sa report mula sa lokal na pulisya, hinarang ng pulisya ng Jolo municipal police station ang apat na Army personnel, na armado at nakasibilyan, sakay ng gray na SUV sa Sitio Marina, Barangay Walled City dakong alas-2:40 ng hapon.

Nagpakilala ang apat na lalaki na mga sundalo at inutusan sila ng pulis na pumunta ng police station upang beripikahin.

Subalit tumakas ang mga sundalo kaya hinabol sila ng mga pulis.

Inamin ng mga pulis na nagkaroon ng engkwentro nang paputukan sila ng mga sundalo.

Gagawin ng NBI ang imbestigasyon para maiwasan na maimpliwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon.

Magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon si Interior Secretary Eduardo Año at ang PNP Criminal Investigation and Detection Group sa insidente.