December 24, 2024

Navotas Polytechnic graduates, makakatanggap ng cash incentives

Personal na dumalo at binati nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang aabot sa 505 na mga estudyante ng Navotas Polytechnic College (NPC) na nagsipagtapos ngayon taon. Inanunsyo din ni Mayor Tiangco na makatatanggap ang mga graduates ng tig P1,500 graduation incentive mula sa Pamahalaang Lungsod at hintayin lamang aniya ang announcement sa schedule ng pamamahagi nito. (JUVY LUCERO)

MAGBIBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng tig P1,500 graduation incentive sa nagsipagtapos ngayong taon na mga estudyante ng Navotas Polytechnic College (NPC).

Ito ang inanunsyo ni Mayor John Rey Tiangco sa pagdalo niya, kasama si Congressman Toby Tiangco at mga konsehal ng lungsod sa graduation ceremony ng aabot sa 505 na mga estudyante ng NPC.

Pinayuhan sila ni Tiangco na hintayin ang announcement ng pamahalaang lungsod para sa schedule ng distribution nito.

Sa kanyang mensahe, binati ni Mayor Tiangco ang mga nagsipagtapos, mga magulang at ang mga guro kung saan inanyayahan niya ang mga gustong mag-aral sa kolehiyo na bukas pa ang enrollment sa NPC.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Cong. Tiangco ang mga nagtapos na tuloy-tuloy na matuto ng iba-ibang kaalaman at kasanayan dahil magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa kanila.

Ang Navotas ay nagsimula sa pamimigay ng graduation incentives noong 2019 alinsunod sa City Ordinance 2019-3.