May 13, 2025

NAVOTAS, PINASINAYAAN ANG IKA-87th PUMPING STATION

LALO pang pinalakas ng Navotas City sa ilalim ng pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco ang kanilang mga pagsisikap sa pagbawas sa baha, kasunod ng pagpapasinaya at pagbabasbas sa ika-87 Bombastik Pumping Station na matatagpuan sa kanto ng Ilang-ilang at Waling-waling Sts., Brgy. Tanza 2.


Pinangunahan ni Congressman Toby Tiangco ang inauguration ceremony at binigyang-diin ang hindi natitinag na pangako ng lungsod sa pagpapabuti ng imprastraktura sa pagkontrol sa baha.


Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng pagtutulungan ng komunidad sa pagtiyak ng tagumpay ng mga hakbangin na ito.


“We remain steadfast in advancing our flood control and mitigation efforts—not just to protect lives and safeguard property, but to ensure the long-term resilience and sustainable progress of our city,” ani Tiangco.


Nanawagan din siya sa mga residente na maging aktibong katuwang sa mga pagsisikap sa pamamahala ng baha ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis ng mga daluyan ng tubig at pag-iwas sa hindi tamang pagtatapon ng basura.


“Flood control is not just about building infrastructure. It’s also about shared responsibility. These pumping stations can only perform efficiently if everyone contributes by properly managing waste and refraining from littering,” diin niya.


Ang bagong pinasinayaan na pumping station ay nilagyan ng axial flow submersible engine na may kakayahang magbomba ng 0.60 cubic meters ng tubig kada segundo.


Dinisenyo ito upang epektibong gumana kahit sa panahon ng malakas na pag-ulan, bagyo, at high tides, ang istasyon ay pinapagana din ng mga solar panel upang matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon sakaling mawalan ng kuryente dulot ng extreme weather. (JUVY LUCERO)