March 25, 2025

NAVOTAS, PINASINAYAAN ANG CONVENTION CENTER

ANG Navotas ay minarkahan ang isang makabuluhang milestone sa kasaysayan nito sa pamamagitan ng opisyal na pagbabasbas at inagurasyon ng 4-palapag na Navotas Convention Center, noong Lunes, Marso 24.

Upang i-highlight ang selebrasyon, inimbitahan ng City Government ang mga basketball superstars mula sa Philippine Basketball Association (PBA) para sa 3-point shootout pagkatapos ng blessing ceremony.

Kabilang sa mga dumalo sa okasyon sina Paul Lee at Mark Barroca ng Magnolia Chicken Timplados Hotshots; Marcio Lassiter at Chris Ross ng San Miguel Beermen; at Edgar Charcos, Jake Pascual, at legendary center Asi Taulava ng NLEX Road Warriors.

Ipinahayag ni Mayor John Rey Tiangco ang kanyang pananabik sa bagong pasilidad, na binibigyang-diin ang papel nito sa pagtataguyod ng pakikipag-ugnayan sa komunidad at mga oportunidad sa turismo.

“Dati, pangarap lang natin ito. Ngayon, natupad na,” aniya. “Maliban sa mga conventions, seminars, at iba pa, nakikita din natin ang posibilidad na mag-host tayo ng PBA games, na tiyak na magbibigay kasiyahan sa ating mga kababayan at magdadala ng mas maraming bisita sa ating lungsod.” dagdag niya.

Samantala, sinabi naman ni Cong. Toby Tiangco ang kahalagahan ng pamumuhunan sa modernong imprastraktura upang suportahan ang pag-unlad ng lungsod.

“Ang proyektong ito ay sinimulan ni Mayor John Rey noong siya ay nasa Kongreso at ipinagpatuloy naman natin para makapaghatid ng mas maraming oportunidad sa mga Navoteño,” sabi niya.

“Sa pagbubukas ng ating convention center, kaya ng magsagawa dito ng malalaking social at business events, na nangangahulugan naman ng trabaho para sa ating mamamayan at paglakas ng ating lokal na ekonomiya,” dagdag ng kongresista. Bukod sa mga opisyal ng lungsod at barangay, dumalo rin sa event ang mga kinatawan mula sa top 20 business and realty taxpayers sa Navotas, Philippine Chamber of Commerce and Industry-Navotas Chapter, Rotary Club-Navotas, Rotary Club-Northbay East, Navotas Schools Division Office, school principals, at Department of Public Works and Highways-Malabon-Navotas.