January 18, 2025

NAVOTAS, PINAIGTING ANG NAVOBANGKA-BUHAYAN PROGRAM

MULING pinagtibay ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang kanilang dedikasyon para sa kapakanan ng mga lokal na mangingisda sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga bangkang pangisda at lambat sa ilalim ng programang NavoBangka-buhayan.


Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco na idinaos alinsunod sa pagdiriwang ng ika-119 na anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod ng Navotas.


Dalawampu’t dalawang 30-foot fiberglass boat ang ipinagkaloob sa 44 na benepisyaryo, na may dalawang rehistradong mangingisda na nagbabahagi ng pagmamay-ari ng bawat bangka.


Dagdag pa, 925 rehistradong Navoteño fishing boat owners ang nakatanggap ng mga lambat na may iba’t ibang laki upang suportahan ang kanilang kabuhayan.


“Providing these tools is more than just assistance; it’s about empowering our fisherfolk to uplift their families and contribute meaningfully to our local economy,” ani Mayor Tiangco.


“Our fisher folk are the backbone of Navotas’ identity as the Fishing Capital of the Philippines. Supporting them ensures the sustainability of our heritage and strengthens our community,” sabi naman ni Cong. Tiangco


Ang mga benepisyaryo ng programang NavoBangka-buhayan ay maingat na pinili mula sa mga rehistradong mangingisda na kabilang sa “poorest of the poor.”  Kasama sa mga kinakailangan na magiging karapat-dapat ang pagsailalim at pagpasa sa isang drug test at pagpapanatili ng good moral standing.


Nauna rito, kinilala rin ng Navotas ang Top 10 Most Outstanding Fisherfolk na bahagi ng anniversary festivities, bilang pagpupugay sa mga nagpakita ng kapuri-puri na kontribusyon sa lokal na industriya ng pangingisda. (JUVY LUCERO)