December 20, 2024

NAVOTAS NAKAMIT ANG 2023 URBAN GOVERNANCE EXEMPLAR AWARDS

NAKATANGGAP ng mga parangal ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa ginanap na 2023 Urban Governance Exemplar Awards ng Department of the Interior and Local Government–National Capital Region (DILG-NCR).

Nakuha ng Navotas ang High Functionality ratings para sa Anti-Drug Abuse Council at Peace and Order Council. Nakakuha rin ito ng Ideal Level of Functionality para sa Local Council for the Protection of Children at Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children.

Nagkamit din ang lungsod ng pagkilala sa aktibong pakikilahok nito sa Manila Bay Clean-Up Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP), para sa mga hakbang sa pagsasabatas na makatutulong sa pagbuo ng isang mabisang lokal na administrasyon at pag-unlad, at para sa pagpasa sa Fisheries Compliance Audit (FishCA).

“These awards are a humbling validation that Navotenos and our fellow public servants in the government appreciate the work we do. These only serve to inspire us to further enhance our governance practices and provide better services to uplift the lives of our people,” ani Mayor John Rey Tiangco.

Tinanggap ni Tiangco ang mga parangal kasama sina Vice Mayor Tito Sanchez, City Administrator Dr. Christia Padolina, Sangguniang Panlungsod Secretary Marlon Serrano, Navotas DILG OIC Director Jenifer G. Galorport at City Planning and Development Officer Engr. Rufino M. Serrano.

Naroon din sina Jennifer Serrano, City Social Welfare and Development Officer; Dr. Vonne Villanueva, Special Assistant to the Navotas Anti-Drug Abuse Council chairperson at Disaster Risk Reduction and Management Officer; Cheney Ville Gabriel, City Agriculture Officer; at Yzabela Bernardina Nazal-Habunal, City Environment and Natural Resources Officer.

Ang Urban Governance Exemplar Awards ay isang inisyatiba ng DILG-NCR para pormal na kilalanin ang mga kontribusyon at nagawa ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila.

Ang mga nanalo ay pinipili ng DILG sa pamamagitan ng regional assessment at validation ng iba’t ibang programa at proyekto ng LGUs.