November 24, 2024

Navotas mayor nagpaalala sa home deliveries

PINASALAMATAN ng magkapatid na si Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco sina Health Sec. Francisco Duque III at Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon, kasama sina Usec. Bong Vega, Usec. Ted Herbosa at Dr. Paz Corrales sa pagbisita nila sa Navotas city at sa ibinigay na donasyon na 1,000 test kits at 5,000 sets ng PPE. (JUVY LUCERO)

NAGBIGAY ng paalala si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa mga residente ng lungsod na mahilig bumili ng mga item sa pamamagitan ng mga home deliveries na mag-ingat lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Payo ng alkalde, iwasan ang muna mag-order ng mga item o kahit na mga pagkain sa pamamagitan ng mga home deliveries matapos isiwalat ng sikat na komedyanteng si Michael V o “Bitoy” na maaaring sa deliveries siya nahawaan ng COVID-19.

Dagdag pa ng alkalde, kung hindi maiiwasan ang home deliveries ay kailangan na i-disinfect ito, hindi lamang ang panlabas na bahagi ng pakete, kundi pati na rin ang nilalaman nito.

“Sa mga mahilig po magpa-deliver ng pagkain, magsakripisyo po muna tayo. Hindi po natin alam paano ito inihanda. Di tulad ng bagay o groceries, di po natin ito pwedeng i-disinfect para masigurong safe ito at walang virus. Kaya hanggang maaari, lutong bahay po muna tayo. Mas masarap, mas matipid at mas safe,” ani Mayor Tiangco.

Pinayuhan din ng alkalde ang kanyang mga nasasakupan na huwag ipagsapalaran ang kanilang personal na kalusugan at pamilya, parating mag-ingat at iwasan ang labis na tiwala.

Ayon sa ulat ng City Health Office hanggang 8:30pm ng August 6, nasa 3,038 na ang kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, 1,748 dito ang active cases, 1,190 ang mga gumaling at 100 ang binawian ng buhay.