January 23, 2025

NAVOTAS MAGKAKAROON NG SARILING SWAB TEST MACHINES

Personal na tinanggap ni Cong. John Rey Tiangco at City Health Officer Dr. Christia Padolina sa ngalan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamumuno ni Mayor Toby Tiangco ang dalawang polymerase chain reaction (PCR) thermal cyclers mula kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado. Ang mga makina ay ilalagay sa Navotas City Hospital at sa Tumana Health Center.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ay magkakaroon na ng sariling swab test machines kasunod ng isinagawang turn-over sa pangunguna ni ‘big brother’ Secretary Wendel Avisado ng Department of Budget and Management (DBM).

Kapwa nagpahayag ng pasasalamat ang magkaptid na si Mayor Toby Tiangco at Congressman John Rey Tiangco sa national government sa ibinigay na dalawang polymerase chain reaction (PCR) thermal cyclers kung saan magiging mahalaga ito sa laban ng pamahalaang lungsod kontra COVID-19 pandemic.

Personal na tinanggap ni Cong. John Rey, kasama si City Health Officer Christia Padolina ang dalawang swab test machines mula kay Sec. Avisado sa ginanap na simpleng seremonya sa City Hall Complex.

Si Avisado ang itinalagang ‘big brother’ ng national government na mangangasiwa ng COVID-19 response ng Navotas.

Ilalagak ang dalawang thermal cyclers sa Navotas City Hospital at Tumana Health Center para magamit sa pagproseso sa swab test.

“Sa ngalan ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Tiangco, nagpapasalamat ako sa aming ‘big brother’ na si Secretary Avisado at sa national government para sa donasyon na dalawang swab test machine na ito. Mahalaga ito sa atin at finally, maaari na tayong magkaroon ng sariling PCR,” ani Cong. Tiangco.