November 18, 2024

Navotas LGU nagbigay ng Smart tv, wall fan at ceiling fan sa mga paaralan

INILUNSAD ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco, sa pangunguna ng NavotaAs Hanapbuhay Center ang One School, One Product (OSOP) na naglalayong turuan ang mga mag-aaral na i-develop ang kanilang entrepreneurial skills at makalikha sila ng isang produkto na maaari nilang i-market. (JUVY LUCERO)

NABIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco ang 40 smart TV, 287 wall fan, at 287 ceiling fan sa mga pampublikong paaralan na elementarya at high school.

Kabilang sa mga elementarya na nakatanggap ng 55-inch smart TV at electric fan ay ang North Bay Boulevard North Elementary School, San Roque Elementary School, at Tanza Elementary School habang ang mga benepisyaryo ng sekondaryang paaralan, ang Navotas National High School, San Rafael Technical and Vocational High School, at Kaunlaran High School.

Samantala, inilunsad naman ng NavotaAs Hanapbuhay Center, sa pakikipagtulungan ng Schools Division Office–Navotas, ang One School, One Product Program (OSOP).

Ang OSOP ay isang programang pangkabuhayan na nagpapahintulot sa mga mag-aaral ng Senior High School na matuto ng mga kasanayan sa pagnenegosyo at kumita sa pamamagitan ng pagbuo ng isang mabibiling produkto na nagtataguyod din ng mga lokal na mapagkukunan ng lungsod.

Kabilang sa mga entry ang Spanish Style Tahong at Vegetable Nuggets mula sa Navotas National High School; Bidbid Eomuk o fish cake, Tangos National High School; Pansit ng Navotas, San Roque National High School; Corn Cob Cookies, Filemon T. Lizan Senior High School; Mga Post Card ng Navotas Heritage Sites, Kaunlaran High School; NavoRoll, Bangkulasi Senior High School; Adobong Gulay, Tanza National High School; at Seafood Delights, San Rafael Technological and Vocational High School.

Ang mga kalahok na paaralan ay magpapakita ng kanilang mga produkto sa Christmas Bazaar ngayong taon na gaganapin sa Navotas Citywalk and Amphitheater sa Nobyembre 23-25, at 30, at Disyembre 1-2, at 7-9.

“Education remains to be one of our top priorities. We aim to provide Navoteño students with the highest quality of education and open opportunities for them to have the best future,” ani Tiangco.

Sa kabilang banda, ang Navotas City Health Office, katuwang ang Philippine National Red Cross, ay nagsagawa ng human papillomavirus (HPV) Caravan para sa cervical cancer awareness at prevention kung saan ang mga batang babaeng Navoteño, siyam na taong gulang, ay nakatanggap ng mga bakuna laban sa HPV na nagdudulot ng ilang uri ng kanser, lalo na ang cervical cancer.

Naka-avail din ng libreng HPV screening ang mga babaeng Navoteño na may edad 30-49.