December 20, 2024

NAVOTAS ITINUTULAK ANG DRUG-FREE WORKPLACE

ANG mga empleyado sa mga business establishment sa Navotas ay kinakailangan ng sumailalim sa taunang drug test kasunod ng pagsasabatas ng lungsod ng isang drug-free workplace ordinance.

Ipinasa ng Konseho ng Lungsod ng Navotas ang City Ordinance No. 2023-23 na nag-aatas sa mga piling negosyo sa Navotas na panatilihin ang isang ligtas at malusog na kapaligiran, na walang mapanganib na droga.

Kasama sa mga sakop na establishment ang mga KTV bar, night club, super club, spa, massage parlor, disco house, bar, restaurant at ang mga negosyong may lima o higit pang manggagawa.

“We will continue to exert all efforts to keep both residents and workers in Navotas safe from the menace of illegal drugs” ani Mayor John Rey Tiangco.

Sa ilalim ng ordinansa, dapat pataasin ng mga business establishment ang kamalayan at edukasyon ng kanilang mga empleyado at kliyente tungkol sa mga epekto ng ilegal na droga.

Dapat ding hilingin ng mga may-ari ng negosyo at employer ang kanilang mga opisyal at empleyado na sumailalim sa random na drug testing at tiyaking walang mga ipinagbabawal na gamot ang dinadala o ginagamit sa kanilang workplace.

Sasagutin naman ng employer ang mga gastos para sa drug testing at confirmatory test.

Kung magpositibo ang isang empleyado, ire-refer sila ng establisyemento sa isang center accredited ng Kagawaran ng Kalusugan para sa pagsusuri. Dapat din itong magsumite ng listahan ng mga pangalan ng mga tauhan, na nagpositibo, sa Navotas City Anti-Drug Abuse Council (NADAC).

Kasama rin sa programa sa pag-iwas at pagkontrol sa droga ng establisimiyento ang paggamot at rehabilitasyon, gayundin ang tulong at pagpapayo para sa mga empleyadong may emosyonal na pagkabalisa.

Samantala, dapat pangasiwaan ng NADAC ang kinakailangang interbensyon at mga programa sa rehabilitasyon para sa mga napatunayang positibo sa paggamit ng ilegal na droga.

Makikipag-ugnayan din ito sa Navotas City Police at sa City Business Permits and Licensing Office (CBPLO) para sa mga operasyon ng interbensyon at pagpapataw ng mga parusa.

Sa unang paglabag, papatawan ng multang P5,000 at suspensiyon ng  business operation habang nakabinbin ang pagsunod. Ang patuloy na hindi pagsunod ay babawian ng kanilang business permit.