December 25, 2024

NAVOTAS HOSPITAL MAGBIGIGAY NG DAGDAG NA LIBRENG DIALYSIS SESSIONS

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at ang mga konsehal ng lungsod ang pagbabasbas ng mga bagong dialysis unit sa Navotas City Hospital (NCH) para palakasin pa ang kapasidad nitong magbigay ng libreng dialysis treatment sa mga Navoteño. (JUVY LUCERO)

MAS pinalakas pa ng Navotas City Hospital (NCH) ang kapasidad nitong magbigay ng libreng dialysis treatment, kasunod ng pagbabasbas ng walong bagong hemodialysis machine.

Pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at ang mga konsehal ng lungsod ang pagbabasbas ng mga dialysis unit sa NCH.

Mula sa 15, ang city hospital ay maaari na ngayong tumanggap ng 21 session bawat araw para sa mga non-infectious na pasyente. Ang isang makina o tatlong sesyon ay inilaan para sa mga may mga nakakahawang sakit.

“We seek to provide the best possible medical services that’s why we also strive to keep our equipment and facilities in top shape,” ani Mayor Tiangco.

“However, more than giving them these services, we want Navoteños to take good care of their health to avoid contracting lifestyle diseases and undergoing treatments,” dagdag niya.

Ang mga miyembro ng Philhealth ay maaaring maka-avail ng hanggang 156 na libreng hemodialysis session bawat taon. Bago maabot ang limitasyong ito, ang mga pasyenteng Navoteño ay nakatala sa pambansa at lokal na mga programa sa tulong medikal upang makatulong na mabayaran ang P2,600 na halaga bawat sesyon.

Ang mga pasyente ay gumagamit ng dalawa hanggang tatlong dialysis treatment kada linggo.

Upang maisama sa listahan ng mga benepisyaryo, ang mga pasyente ay dapat masuri ng isang nephrologist o internal medicine na doktor na naka-duty at bigyan ng kaalaman tungkol sa dialysis treatment protocols, policies, treatment schedules, at iba pa.
Unang binuksan sa publiko ang hemodialysis unit ng NCH noong 2017.