November 3, 2024

NAVOTAS CITY HALL NI-LOCKDOWN (28 empleyado nagpositibo sa COVID-19)

Isinailalim sa lockdown ng Pamalahaang Lungsod ng Navotas ang City Hall simula Agosto 27, 12:00 ng hating gabi hanggang Setyembre 5, 5:00 ng umaga matapos magpositibo sa COVID-19 ang 28 empleyado nito.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, base sa mga dumating na test results ay nadagdagan pa ang mga bagong kaso kaya’t magsasagawa ng malawakang swab testing para sa mga kawani ng pamahalaang lungsod mula Agosto 23-28, para masigurado ang kaligtasan ng lahat.

Bukod sa city hall, naka-lockdown din ang Navotas City Library, Navotas City Hall Annex (NavoServe), at Bagumbayan Elementary School (DepEd Bldg. 1 & 2).

Ipinayo ng alkalde na bawal muna pumunta sa nasabing mga gusali, at pansamantala ring ihihinto ang mga gawain at transaksyon ng mga opisinang matatagpuan dito.

Bukod tanging ang City Human Resources Development Office lang ang pinapayagang magkaroon ng skeleton workforce sa loob ng city hall para makapag-ayos ng sweldo ng mga empleyado at makapagproseso ng mga kinakailangang kontribusyon at remittance.

Samantala, magpapatuloy naman ang pamamahagi ng ECQ ayuda sa mga payout sites. Gayundin, mananatiling bukas at patuloy na magseserbisyo ang mga opisinang matatagpuan sa ibang gusali ng pamahalaang lungsod.

“Patuloy po ang ating paalala na mag-ingat, Magpabakuna habang may supply tayo at, kahit bakunado na, sumunod pa rin sa safety and health protocols lalo na ang tamang pagsusuot ng face mask.” paalala ni Tiangco. (JUVY LUCERO)