November 24, 2024

NAVOTAS BINIGYAN NG AWARD ANG OBOP WINNERS

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang konseho ng lungsod ang awarding ng 2022 One Barangay One Product (OBOP) winners kung saan ang Brgy. Tangos North ang nag-uwi ng top OBOP award ng kanilang kakaning tibok-tibok at nakatanggap sila ng P30,000 cash prize. Pangalawa ang Brgy. Navotas West na nakakuha ng P25,000 sa kanilang tuna chips, habang pangatlo naman ang Brgy. Tanza 1 na nakatanggap ng P20,000 sa kanilang mushroom farming project. (JUVY LUCERO)

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang konseho ng lungsod ang awarding ng 2022 One Barangay One Product (OBOP) winners at ang pagbabasbas sa dalawang dump truck ng basura.

Ang Brgy. Tangos North ang nag-uwi ng top OBOP award ng kanilang kakaning tibok-tibok at nakatanggap sila ng P30,000 cash prize na gagamitin bilang karagdagang production capital.

Pangalawa ang Brgy. Navotas West na nakakuha ng P25,000 sa kanilang tuna chips, habang pangatlo naman ang Brgy. Tanza 1 na nakatanggap ng P20,000 sa kanilang mushroom farming project.

Ang mga entry sa OBOP ay hinuhusgahan ayon sa originality (10%), marketability (30%), taste/quality (30%), at actual presentation ng mga produkto (30%).

Kasama sa iba pang entry ang potato crab ball ng Brgy. Tanza 2, Chinese kikiam ng Brgy. Tangos South, relyenong bangus ng Brgy. San Roque, tocihong ng Brgy. Daanghari, at longganisang hubad ng Brgy. San Jose.

Kasama rin ang crab siomai ng Brgy. San Rafael Village, fish empanada ng Brgy. North Bay Blvd. South (NBBS) Proper, shrimp tempura ng Brgy. NBBS Dagat-dagatan, at iba’t ibang souvenir products mula sa Brgy. NBBS Kaunlaran.

Kabilang rin sa listahan ang mga isda na longganisa ng Brgy. Bagumbayan North, macrame plant hanger ng Brgy. Bagumbayan South, bagoong ng Brgy. Bangkulasi, sukang silangan ng Brgy. Navotas East at puto fish pao ng Brgy. Sipac-Almacen.

“Navotas is rich in raw materials that can be utilized to produce new and innovative products. We encourage Navoteños to use and make the most out of these resources,” ani Tiangco.

Samantala, bumili din ang pamahalaang lungsod ng dalawang karagdagang trak upang mapataas ang kahusayan sa koleksyon ng basura at mapalakas ang kanilang sustainable waste management program.

Kinilala rin ng Navotas ang mga tanggapan ng pamahalaang lungsod at mga miyembro ng ahensya na sama-samang nagtrabaho at nagkamit ng iba’t ibang mga parangal at pagkilala kamakailan.

Noong Oktubre at Nobyembre ngayong taon, nakakuha ang lungsod ng walong citation sa 2022 Urban Governance Exemplar Awards mula sa Department of the Interior and Local Government-NCR at dalawa mula sa Bureau of Local Government Finance. Nakatanggap din ng pagkilala ang Navotas mula sa Department of Health-Metro Manila Center for Health Development, at Department of Human Settlements and Urban Development-NCR.