December 23, 2024

NATUTULOG NA PONDO NG GOBYERNO DAPAT MAGAMIT UPANG PAKINABANGAN NG 115-M PINOY

PARA kay Finance Secretary Ralph Recto, mas makakabuting gastusin o gamitin ng gobyerno ang hindi nagamit o natutulog na pondo upang tustusan ang mga prayoridad na programa ng pamahalaan sa kalusugan, edukasyon at imprastraktura para mapakinabangan ng 115 milyong Filipino.

Inihalintulad ni Recto ang paggalaw sa hindi nagamit na pondo, sa pag-deploy ng mga patulog-tulog na pulis sa mga lugar kung saan talamak ang krimen.

“Halimbawa, maraming krimen sa kalsada at merong mga pulis ang natutulog, halimbawa lang sa general headquarters; hindi ho ba dapat i-deploy mo ‘yung mga pulis na ‘yan na natutulog lang, halimbawa doon sa lansangan kung saan may krimen,” tanong ng cabinet official.

“So, ihahalintulad ko rin ito ‘sa pondo ng gobyerno na natutulog lang na dapat pakinabangan sa dami ng pangangailangan na 115 million na Pilipino,” punto pa ni Recto.

Binanggit niya ang kaso ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), kung saan sinabi nito na ang sobra na pondo nito ay mas mainam kung gagamitin upang tugunan ang mga kagyat na pangangailangan ng 115 milyong Filipino.

“Kung may perang natutulog, hindi napapakinabangan sa dami ng pangangailangan—halimbawa sa edukasyon, sa kalusugan, sa infrastraktura, sa ayuda na dapat ibigay sa mga mamamayan natin—ay dapat gamitin natin yan nang husto,” paliwanag pa niya.

Sa kabila ng batikos sa paggamit ng pondo ng Philhealth, binigyang-diin ni Recto ang responsibilidad ng gobyerno na pangasiwaan ng maayos ang resources nito upang maiwasan ang mangutang.

Binabggit pa niya na gumagastos ang gobyerno ng P15.8 araw-araw, subalit nakakakolekta lamang ng P11.8 nilyon, kaya kinakailangangan nitong mangutang ng P4 bilyon bawat araw.

“Nakikinig naman tayo sa lahat ng nagsasalita. Nakikinig tayo sa mga medical practitioners natin. Nakikinig tayo sa mga kumukontra. Pinakikinggan natin ang Kongreso. Lahat pinakikinggan natin dahil ito ay ayon sa ating demokrasya,” saad ni Recto.