June 7, 2025

National Open C’ship sa Kalibo… RAVEN SIKARAN TANAY READY NA SA BAKBAKAN SA AKLAN!

Handa nang ipagtanggol ng GSF Raven Sikaran Tanay, Rizal ang kanilang titulo sa pagbubukas ng Sikaran National Championship 2025 na ginaganap ngayong linggo sa Kalibo, Aklan.

Ayon kay team delegation head Nicole Catolos, buo ang determinasyon ng koponan na panatilihin ang winning tradition ng GSF Raven Sikaran—isang adhikain na patuloy na itinutulak ng kanilang founder at presidente na si Master Crisanto Cuevas.

Ang powerhouse Tanay squad ay binubuo ng mga Black Belt fighters na sina Sannoel Celestino, Jonel Catolos, Tyron Reyes, at Jhessele Mae Tarel. Samantala, sa White Belt Division ay lalaban sina Reynavel Regala, Yhumi Lanna Luklukan, Haley Zendria Canonigo, Kenzo Lucas Canonigo, Lord Brix Campo, Sheena Persia, Mhajo Custodio, Daniel Zeuz Ivadz Matienzo, Vhieniz Ivadz Matienzo, at Vienuz Ivadz Matienzo.

Hindi magiging madali ang laban ngayong taon, dahil haharap ang Tanay squad sa mga karibal mula sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng GSF Wildcat Sikaran Pasig, GSF Masbate Sikaran, GSF Manduyong Sikaran, GSF Capiz Sikaran, GSF Mambusao Capiz Sikaran, GSF Dela Cruz Brothers Sikaran, GSF Cebu, at ang host team na Black Scorpion Arnis Aklan.

“Mahigpitan ang bakbakan ngayon dahil lahat ay nag-prepare upang gapiin ang ating koponang defending champion. Sikaran na!” ani ni Master Cuevas.

Bago ang pagsisimula ng torneyo, isang makulay na pambungad na seremonya ang idaraos kung saan magbibigay ng mainit na pagtanggap si Banga, Aklan Municipal Mayor Noel ‘Boy’ Redison sa mga kalahok. Magkakaroon din ng mensahe mula sa panauhing pandangal na si Congressman Papa Jess Marquez.

Tiyak na aabangan ng buong sikaran community ang matinding aksyon sa prestihiyosong kumpetisyon na kinikilala bilang pinakamalaki sa larangan ng tradisyunal na martial arts sa bansa. (DANNY SIMON)