NADISKUBRE ang wala ng buhay sanhi ng mga saksak sa katawan ang tatlong katao, kabilang ang dalawang nursing graduate at isang estudyante sa isang ginagawang bahay sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Arjay Belencio y Sarmiento, 22, estudyante; Glydyl Belonio y Mamon, 23, nursing graduate; at Mona Ismael habibolla, 22, nursing graduate, pawang natagpuang tadtad ng saksak sa kanilang katawan sa tinitirhan sa Catmon St., Phase 1, Brgy. 179, Amparo Subd., Caloocan City dakong 12:30 ng hapon.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up imbestigasyon ng Caloocan city police para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto ng salarin sa insidente.
Ayon sa pulisya, isang kaanak ng mga biktima ang nag-utos kina Jhonny Aliansas, 30, may-asawa, panadero, ng Vanguard, Brgy. 178, Camarin, at John Roy Sarmiento, 20, binata, estudyante, ng parehong address na puntahan ang nasabing ginagawang bahay dahil paulit-ulit nang tinatawagan sa kanilang cellphone ang mga biktima ngunit hindi sila sumasagot.
Pagdating nila Aliansas at Sarmiento sa naturang bahay ay nakakandado ang gate kaya’t binato nila ang bahay ngunit wala pa ring lumalabas o sumasagot.
Dito ay nagpasya ang dalawa na akyatin na ang bakod at at pagpasok nila ng bahay ay bumulaga sa kanila ang mga bangkay ng tatlong biktima kaya’t tumawag sila sa awtoridad at naunang rumesponde ang mga tanod na sina Geronimo Cano at Reynaldo Vecino kasama sina Patrolman Jimmy Vargas at Patrolman Gellord Catabang ng Caloocan Police Sub Station 15.
Ipinapalagay na isa lamang ang salarin ngunit dalawa ang ginamit na sa pagpatay, isang kitchen knife at isang icepick at posibleng kilala ng mga biktima ang salarin dahil walang palatandaang pinuwersang pasukin ang bahay.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA