December 25, 2024

Nasita sa helmet, rider tiklo sa shabu sa Valenzuela

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang mister matapos mabisto ang dalang shabu makaraang masita ng mga pulis dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Valenzuela City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang naarestong suspek na si alyas Jim, 37, truck driver at residente ng Quezon City.

Sa kanyang report kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, sinabi ni PMSg Carlito Nerit Jr. na habang nagsasagawa ng Anti Criminality Operation (Oplan Sita) ang mga tauhan ng Dalandanan Police Sub-Station (SS6) sa pangunguna ni P/Capt. Reymund Andujar sa kahabaan ng Mc Arthur Highway, Brgy. Dalandanan nang parahin nila ang suspek dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo dakong alas-8:50 ng gabi.

Nang hingin ang driver’s license nito para sa beripikasyon ay nakita ng mga pulis nang buksan ng suspek ang kanyang license plastic holder ang nakasuksok na isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Inaresto ng mga pulis ang suspek at nakumpiska sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P6,800.