December 25, 2024

Nasita sa facemask, lalaki kalaboso sa tsongki

BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng illegal na droga nang tangkain takasan ang mga pulis na sumita sa kanya dahil sa hindi pagsuot ng facemask sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr ang naarestong suspek bilang si Dante Avila, 29 ng Barangay 150, Bagong Barrio.

Ayon kay Col. Mina, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 5 sa Moises St., Barangay 150 dakong alas-4:00 ng madaling araw nang mapansin nila ang suspek na naroon sa naturang at walang suot na facemask.

Nilapitan siya ng mga pulis para alamin ang kanyang pagkakilanlan subalit, sa halip na sumunod ay nagtangka umanong tumakas suspek ngunit kaagad din naman siyang napigilan.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigi’t kumulang 4.7 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nasa P564.00 ang halaga. Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa City Ordinance No. 0862 (Mandatory Wearing of Facemask), Art. 151 (Disobedience of a Person in Authority or his Agent) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II, R.A 9165.