Nanindigan ang Palasyo nitong Biyernes na kalokohan lang umano ng oposisyon ang nagti-trending na #NasaanAngPangulo matapos ang pambabatikos na nakuha nito sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ulysses sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, mayroon namang mga makabagong teknolohiya na magagamit upang masubaybayan ng Pangulo ang mga pangyayari sa bansa at magbigay ng direktiba sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
“Hindi po dapat tanungin ‘Nasaan ang Pangulo’ — ‘yan po ay kalokohan lang ng oposisyon. Ang presidente po ay hindi nawawala, palagi po natin siyang kapiling, palagi po niyang iniisip ang kapakanan ng ating mga kababayan,” saad ni Roque.
Giit pa ni Roque, ang maagang paghahanda ng gobyerno sa pangunguna ng Pangulo ay nagresulta ng mas mababang bilang ng mga nasawi sa mga nagdaang kalamidad sa bansa kumpara sa mga nagdaang administrasyon.
Pero nilinaw rin ng tagapagsalita ng Palasyo na nais ng pamahalaan na pag-ibayuhin pa ang paghahanda sa kalamidad para walang buhay na masayang.
Kung matatandaan, nagtrending na naman ang nasabing hashtag nang manalasa ang bagyong Ulysses sa mga lugar sa Luzon.
At noong araw din na iyon, naglabas ng pahayag ang Pangulo at ipinaliwanag na galing siya sa virtual forum ng Association of Southeast Asian Nations’ (ASEAN) at tiniyak din ni Duterte na nakahanda ang pamahalaan na tulungan ang mga nasalanta ng bagyo.
Nagsagawa rin ng aerial inspection ang Pangulo sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Hindi ito ang unang beses na nagtrending ang #NasaanAngPangulo.
Noong manalasa ang bagyong Rolly, hindi nakadalo sa televised press briefing sa paghahanda ng pamahalaan sa bagyo bago ito nanalasa sa Bicol region.
Paliwanag ni Roque, naging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan nang tumama ang bagyong “Ulysses,” bagaman sadyang malubha ang baha na idinulot nito.
“Gaya ng narinig niyo po, mabilis po ang naging response ng government. Unfortunately di po natin magagawan ng paraan ang masyadong mabilis na pagtaas ng tubig,” sabi ni Roque.
Aminado naman siya na hindi naging agaran ang mga pagsagip sa mga naipit sa baha.
“Meron pong mga nag-antay, pero unfortunately hindi naman po instant talaga yung ating pag-rescue sa kanila, pero hindi naman po gaanong katagal ang kanilang pag-aantay at ang importante po eh na-rescue po lahat ng kinakailangan na matulungan,” dagdag niya.
Nauna namang nagpahayag ang Pangulo na ninais niyang pumunta sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Ulysses subalit pinigilan umano siya.
“Gusto kong pumunta doon, makipaglangoy nga sa inyo. Ang problema pinipigilan ako, kasi raw ‘pag namatay ako, isa lang ang Presidente,” saad ni Roque. “Ang sabi ko eh may Vice President naman. Wala naman silang sinasagot, nagtitinginan lang sila, tapos ‘Hindi–hindi ka puwedeng mamatay nitong panahon na ito.
More Stories
PNP SPOKESPERSON, REGIONAL DIRECTOR NA
DA: IMPORTED NA BIGAS HANGGANG P58/KG
UKRAINIAN MMA FIGHTER BAGSAK KAY DENICE ZAMBOANGA