Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga minamahal kong mga kababayan. Mga ginigiliw kong mga Ka-Sampaguita.
Muling nabuhay ang usapin sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan nang masambit ito ni Pangulong Duterte sa SONA. Ang parusa ay sa pamamagitan ng bitay o ‘hanging’, hindi ng lethal injection.
May ilang honorabol ang sang-ayon dito. Pero, marami ang pumalag gaya ng CHR. Labag daw aniya ito sa international law.
Ang katuwiran ng tutol dito, baka maparusahan ng bitay ang walang kasanalan. Naglabas pa nga ng sampol ng mga taong binitay— na kalaunan ay wala naman palang kasalanan. Saka lang napatunayan nang mapatay na siya— at iyan ay may ilang kaso sa bansang China. Isa pa, labag din daw ito sa international covenant.
Maselang isyu ito, pero simple lang ang dapat gawin, huwag basta-basta humatol at pairalin ang patas na batas at paglalapat ng katarungan. Di ba. Simple lang. Hindi kaya ang mga takot sa parusang bitay ang siyang gumagawa ng kasalanan?
Hindi po ba? Hindi ba kakatigan ng Diyos ang taong walang kasalanan— kahit siya ay hinatulang maysala? Hindi ba’t makapangyarihan Siya sa lahat? Mapapalabas Niya ang katotohanan.
Ang parusang bitay ay masasabing ‘Rule of Life’ dahil sinasabi sa Biblia— “ Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (The wage of sin is death).
Kahit si Cristo, hinatulan ng kamatayan kahit walang kasalanan. Ang punto rito, bakit natin ihahalintulad ang iba kay Cristo? Malinaw na nagpapataw talaga ng death penalty— at ito ay hindi tinututulan ng tao. Sa gayun ay magkaroon ng takot ang tao na gumawa ng kasamaan at kasalanan.
Noong panahon ng bayang Israel, isa sa batas ang paghatol ng kamatayan— sa pamamagitan ng pagpukol ng bato sa mga nakikiapid at gumagawa ng kasamaan. Labag ba ito sa Diyos?
Hindi, sapagkat Siya mismo ang nagsubi ng batas na ito. Kung may Biblia kayo, basahin n’yo ang ilang talata sa Biblia sa Deuteronomio 24:16, Ezekiel 18:20, Jeremias 31:30.
Noong panahon ng Hukom, gaya nina Samson, Aod, Jepthe, Gideon, Othoniel at iba pa, pumatay sila nang may dahilan. Kahit ang ilang propeta ay pumatay para sa katuwiran. Halimbawa rito ay sina Moises at Elias.
Katuwiran ng iba, hindi rin daw solusyon ang pagpapatupad ng Death Penalty para mapababa ang lumalalang krimen. Kow, katuwiran ng mga duwag at makasalanan. Ang pagpapataw nito ay makatutulong para masindak ang mga tao.
Pero, kung wala talagang takot sa Diyos, gagawa pa rin ng kalokohan— at ang katapat ay kamatayan.
Ang iba kasi, kaya malakas ang loob dahil alam nilang may kakampi sa kanila, may pera sila at kaya nilang bilhin at suhulan ang nagpapatupad ng batas.
Kayo, ano ang masasabi nyo sa isang kriminal na pumatay ng tao— at siya ililigtas nyo sa kamatayan gayung pumatay siya ng tao ring may karapatang mabuhay? Kung ayaw nyo, wala kayong magagawa.
Pero, baka darating ang araw na may magra-rally para lang ipagsigawan na ipatupad ang parusang bitay. Adios Amorsekos.
More Stories
MAYOR HONEY LACUNA AT VM YUL SERVO KAHANGA-HANGA ANG TANDEM
Huling Tula ng Pambansang Bayani
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!