November 16, 2024

NAPOLES ABSWELTO SA KASONG GRAFT, MALVERSATION

IBINASURA ng Sandiganbayan ang kasong graft at malversation laban sa pork barrel queen na si Janet Napoles at dalawang dating opisyal ng National Livelihood Development Corp. NLDC).

Sa 98-pahinang desisyon na may petsang Setyembre 18, sinabi ng Sandiganbayan Second Division na nabigo di umano ang mga tagausig na magsumite ng mga ebidensyang magdidiin kina Napoles, NLDC president Gondelina Amata, at NLDC assets management division chief Gregoria Buenaventura kaugnay ng P5-milyong PDAF allocation ni former La Union Representative Victor Francisco Ortega noong 2009.

Gayunpaman, mananatili sa likod ng rehas si Napoles na sentensyado sa ibang kaso.

Ayon sa korte, walang mga dokumentong patunay na pag-aari at kontrolado ni Napoles ang Social Development Program for Farmers Foundation Inc. (SDPFFI), na benepisyaryo ng PDAF allocation para sa proyektong pangkabuhayan ni Ortega sa nasasakupang distrito.

Hindi rin nakumbinsi ng tagausig ang Sandiganbayan na nakinabang sina Amata at Buenaventura sa kontrobersyal na PDAF scam.

”There was also no proof to show that accused Amata and Buenaventura made any representation to effectuate the release of the PDAF in favor of SDPFFI, to the detriment of the government,” saad sa isang bahagi ng resolusyon ng Sandiganbayan. ”By and large, the evidence on record fails to make out a clear and convincing case for the accused’s conviction.”