January 23, 2025

Nangidnap ng 5 sa Binangonan | EX-PARAK, 1 PA TEPOK SA SHOOTOUT

PNP-AKG PIO

PATAY ang dating pulis at isa pang lalaki na hinihinalang sangkot sa kidnap for ransom matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Binangonan, Rizal ngayong madaling araw ng Sabado.

Isa sa mga nasawi ay nakilalang si dating Police Officer 1 Rafael Maray, na lider umano ng Maray kidnap for ransom group.

Ayon sa ulat, nagawang makatakas ng iba pang miyembro ng grupo sa nangyaring shootout.

Sinasabi na sangkot ang naturang group sa pangingidnap sa limang katao sa magkakahiwalay na insidente sa Binangonan noong Hunyo 3.

Batay sa Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), binigyan ng joint operatives mula sa PNP-AKG, PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), at Binangonan Municipal Police Station ng seguridad ang complainant ng kidnapping incident nang maaktuhan ang isang van na may spurious plate number at sinasabing ginamit pang-kidnap ng grupo.

Nilapitan ng mga operatiba ang naturang van para beripikahin pero pinaputukan sila ng nasabing grupo na nauwi sa engkwentro dahilan ng kamatayan ni Maray at isa pa.

Nagsagawa na rin ng manhunt operation para sa mga nakatakas na suspek.

Narekober mula sa crime scene ang isang Glock pistol, isang cal. 45 firearm, isang M-16 rifle, at isang Nissan Urban van.

Ayon sa PNP-AKG, si Maray ay nag-AWOL noong 2017 matapos masangkot sa “hulidap” operations.