January 23, 2025

Nangangamoy korapsiyon na naman sa PhilHealth

MAY lumulutang na namang kontrobersiyal sa PhilHealth ngayon. Ito ay may kaugnayan sa malawakang korapasyon sa naturang ahensiya dahilan para magbitiw ang tatlong matataas na opisyal nito.

Isa nga sa nagbitiw itong si PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith na siyang naglantad sa mga katiwalian sa ahensiya.

Kontra si Keith laban sa mandatory Philhealth contribution ng overseas Filipino workers (OFW) na aniya’y unconstitutional at hindi bahagi ng Universal Health Care Law.

Hindi umano rin aniya patas ang promotion process na kinakailangan magkaroon ng imbestigasyon dito.

Hindi rin daw ibinibigay ang kanyang sahod at hazard pay sapul nang imbestigahan niya ang mga opisyales ng PhilHealth na sangkot sa korpasyon.

At ang huli ay sukang-suka na siya sa malawakang katiwalian ng ahensiya.

Marami ang tumaas ang kilay sa ibinulgar ni Keith kabilang na ang ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte na agad pinaaimbestigahan ang isyu ng korpasyon sa PhilHealth.

E sino nga bang hindi manggagalaiti rito sa PhilHealth, e ginawa ng palabigasan ng mga sindikato este opisyales ng nasabing ahensiya.

Noong nakaraang taon ay nabunyag din ang ‘ghost dialysis’ kung saan may mga dialysis center na nakikipagkutsaba sa PhilHealth personnel para maka-reimburse sa mga penekeng nag-dialysis kuno.

At nitong Pebrero ay lumutang din ang kontrobersiya na hindi umano pag-remit ng milyong pisong contributions ng ating mga bayaning OFW. Pagkatapos ngayon, korapsyon na naman!

Mukhang totoo nga na sinisindikato ng ilang mataas na opisyales itong PhilHealth dahil sa sunod-sunod ang pagsingaw ng korapsyon sa naturang ahensiya.

Tama lang na imbestigahan ang mga sindikato este opisyales sa PhilHealth para sa kapakanan ng mamamayan. Sibakin, kasuhan at ikulong ang mga lintek na ‘yan!