NATAGPUANG wala ng buhay ang katawan ng tatlong taon gulang na batang lalaki matapos mahulog sa imburnal sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan noong Sabado ng hapon sa Bagong Silang, Caloocan City.
Sa ulat ni Police Sub-Station 12 Commander P/Maj. Edsel Ibasco kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naganap ang pagkahulog ng biktimang si Lucas Orongan, alas-3 ng Sabado ng hapon sa Lot 23, Block 15, Brgy. 176 Bagong Silang habang naliligo sa malakas na buhos ng ulan, kasama ang mga kapatid, na ang pinakamatanda ay 5-taong gulang.
Palabas umano ng lansangan ang mga bata nang aksidenteng mahulog ang biktima sa maliit na butas ng imburnal sa eskinita sa naturang lugar at sa lakas ng agos ng tubig ay tinangay ang katawan nito at hindi na nakita ng mga kapatid.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis, Barangay Health Emergency Response Team (BHERT), pati na ang Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP), subalit bigo silang mahanap at mailigtas ang bata.
Tumulong na rin ang mga tauhan ng CDRRMO, City Engineering Department (CED), Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD), at City Environmental and Management Department (CEMD) na tumulong sa paghahanap sa bata.
Linggo ng umaga nang simulang hukayin ng CED, gamit ang malalaking drilling equipment, ang kalsadang nag-uugnay sa imburnal upang hanapin ang bata hanggang tuluyang matagpuan ang kanyang bangkay, bandang alas-3-15 ng Linggo hapon sa ilog na nag-uugnay sa mga Lungsod ng Caloocan at San Jose Del Monte Bulacan.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA