May 21, 2025

NAKAW NA TRICYCLE, NABAWI SA TAGUIG (Suspek arestado, 1 pang kasabwat pinaghahanap pa)

TAGUIG CITY — Hindi umubra ang modus ng dalawang lalaki matapos mahuli ang isa sa kanila sa tangkang pagnakaw ng tricycle sa Barangay San Miguel nitong madaling-araw ng Mayo 21.

Pasado alas-1:30 ng madaling-araw, iniwan pansamantala ni “Francis”, 19-anyos tricycle driver, ang kanyang motor malapit sa Serenity Park Cemetery. Pero pagbalik niya, tila multo na lang ang trike — sinikwat ng dalawang lalaking suspek gamit ang peke umanong susi.

Hindi nagpatumpik-tumpik si “Simon”, kapatid ng biktima, nang masaksihan ang aktwal na pagnanakaw. Mabilis siyang tumawag ng pulis at sinimulan ang habulan sa kalsada.

Suwerteng nagpaikot sa lugar ang District Mobile Force Battalion ng Southern Police District, kaya’t agad na nagsagawa ng hot pursuit operation. Sa tulong ng community alertness at bilis ng tropa, nahuli si “Alfie”, 23, habang nakabawi rin ang motorsiklong may sidecar!

Pero nakalusot si “Roel”, 24-anyos, at ngayon ay hinahanap pa ng mga awtoridad.

Ang nahuling suspek ay nahaharap sa kasong carnapping sa ilalim ng Republic Act No. 10883 at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nagbabala naman si PBGEN Joseph R. Arguelles, hepe ng SPD:

“Walang ligtas sa batas. Mabilis ang kilos ng pulisya, lalo kung buhay at kabuhayan ng mamamayan ang nakataya. Hindi titigil ang SPD hangga’t hindi nahuhuli ang isa pang suspek!”