October 4, 2024

NAKAKULONG NA SI ALICE GUO MAGHAHAIN NG COC SA SUSUNOD NA LINGGO

Maghahain ng kanyang certificate of candidacy (COC) ang sinibak na si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo  sa susunod na linggo para tumakbong muli bilang alkalde ng naturang bayan.

“Next week” ayon sa abogado ni Guo na si Stephen David, nang makapanayam kaugnay sa isyung ito sa Department of Justice.

Aniya, wala pang desisyon ang korte kung Filipino o hindi si Guo.

“Makakansel ba ‘yun? ‘Di ba? She’s a Filipino, she’s a Filipina, so wala namang decisions ang courts as of now na hindi siya Filipino,” aniya.

Noong Hulyo, naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition laban kay Guo, na naging dahilan para matanggal siya bilang alkalde.

Naghain din ng petisyon ang OSG upang ikansela ang birth certificate ng dating alkalde sa korte ng Tarlac.

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, na sakaling kanselahin, matatalo si Guo na depensahan ang kanyang pagkakilanlan.