November 17, 2024

NAIA TERMINAL 3 MULING NAKARANAS NG POWER OUTAGE


MULING nakaranas ng power interruption ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, isang buwan pa lang ang nakalilipas nang mangyari ito.

Ang mga pasahero puno na raw sa paulit-ulit na problema na hindi nasosolusyonan ng Department of Transportation (DOTr).

Naganap ito matapos ihayag ang plano ng gobyerno hinggil na gawing isapribado ang operasyon ng paliparan, ang main international gateway ng Pilipinas.

Nagsimula ang power outage sa NAIA Terminal 3 ganap na alas-12:15 ng tanghali ngayong araw. Umabot ng 15 minuto bago gumana ang generator dakong alas-12:30 ng tanghali.

Nabatid na bumalik ang supply ng kuryente dakong alas-1:29 ng hapon subalit grabeng init parin ang naranasan ng mga pasahero hanggang sa pagsapit ng alas-2:00 ng hapon dahil hindi pa rin gumagana ang airconditioning. Paliwanag ng Manila International Airport Authority (MIAA) kailangan i-reboot ang air-conditioning system at inaasahan ang full power sa loob ng ilang oras.

Ito na ang ika-apat na pagkakataong nawalan ng kuryente sa NAIA mula noong simula ng administrasyong Marcos.

Ang unang pagkakataon ay noong naantala ng blackout power ang operasyon ng Terminal 3 noong Setyembre 2022. Ito ay nasundan pa noong January 1,2023 kung saan umano naging kasaysayan sa buong mundo ang ‘power failure’ ng NAIA 3 dahil sa pagka-paralisado ng buong air navigation system ng bansa. Noong May 1,2023 ay muling nakaranas ng power outage ang Terminal 3 na nagresulta sa pagkansela ng mahigit 40 flights kung saan naapektuhan ang 9,393 pasahero.