Binawian ng buhay ang isang lalaki dalawang araw makaraang bugbugin ng mga barangay tanod dahil lamang sa paglabag sa curfew sa Barangay Turbina, Calamba, Laguna noong Miyerkoles.
Ang biktima ay nakilalang si Ernanie Lumban Jimenez, tubong-Quezon. Namatay ito noong Biyernes.
Sa Facebook post ng ilang kaanak, sinasabing lumabas ng bahay si Ernanie para bumili ng pagkain pasado alas-10:00 ng gabi noong Miyerkoles, Abril 7.
Nang hindi agad makauwi ng bahay ang biktima, hinanap ito ng kapatid at natagpuang bugbog-sarado sa may barangay hall.
Dalawa sa mga tanod ang hawak na ng pulisya habang dalawa ang pinaghahanap pa.
Sa report ng GMA News, sinabi umano ng mga barangay tanod sa mga imbestigador na tinangkang tumakas ng biktima nang damputin nila ito dahil sa paglabag sa curfew. Hinabol umano nila ang biktima pero nagkabanggaan sila kaya natumba ito at nabagok.
Sa salaysay naman ng kapatid ng biktima na si Glendien, hinimatay umano si Ernanie makaraang bugbugin ng mga miyembro ng BQRT kaya isinugod nila ito sa Calamba Medical Center Hospital ngunit nalagutan ng hininga bandang alas-11:40 ng umaga noong Biyernes, Abril 9.
Isinailalim na sa awtopsya ang bangkay ng biktima habang pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek.
Sa Facebook post naman ng pinsan ng biktima na si Kristel Jimenez, idiniin nitong hustisya ang kanilang kailangan.
“Walang masamang manghuli sa curfew. Ang masama ‘yung nahuli ninyo, bubugbugin ninyo hanggang sa mamatay. Napapatanong lang ako, tao pa po ba kayo??? Hindi po sorry o paiba-ibang statement ang kailangan namin, HUSTISYA po. Kung pwede nga lang maranasan ninyo ang naranasan ng pinsan ko, hindi niya deserve ang ganung pagkamatay dahil hindi po siya masamang tao.”
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA