January 19, 2025

Nabahiran ng pagdududa… HUWES BUMITAW SA DRUG CASE NI DE LIMA

Kumalas na ang hukom na humahawak sa kaso na may kaugnayan sa illegal drug trade ni dating senador Leila de Lima
Si Judge Romeo Buenaventura ng Muntinlupa City RTC Branch 256 ay boluntaryong nag-inhibit sa paglutas sa naturang kaso dahil sa alegasyon ng ibang akusado patungkol sa kaugnayan ng hukom sa party.

Ang pag-inhibit ni Judge Buenaventura ay tugon sa  inihaing motion for inhibition ng tatlong kapwa-akusado ni De Lima na sina Joenel Sanchez, Ronnie Dayan at dating Bureau of Corrections chief Franklin Jesus Bucayu.

Ayon kay Sanchez itinago ni  Judge  Buenaventura ang katotohanan na kapatid niya ang abogado na tumulong sa isa pang akusado na si Ronnie Dayan sa paggawa ng affidavit.

Ibinunyag din ni Sanchez na ang kapatid ng nasabing hukom na si Atty. Emmanuel Buenaventura ay nagtrabaho bilang  legal adviser ni dating Cong. Reynaldo Umali, na dating chairman ng House Committee on Justice sa kasagsagan ng congressional hearings sa kontrobersiya ni De Lima noong October 2016.

Si Sanchez ay kabilang noon sa pinadalhan ng subpoena para mag testigo laban kay de Lima.

Aniya, dahil dito ay lumalabas na hindi patas sa paghawak sa kaso si Judge Buenaventura.