March 1, 2025

‘MURANG BILIHIN’ ITUTULAK NI REP. VILLAR SA SENADO

‘TOP PRIORITY’ ni Las Piñas Rep. at Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senatorial bet Camille Villar na gawing abot-kaya o mura ng pamahalaan ang halaga ng mga pangunahing bilihin sa merkado.

Naniniwala si Villar na malaki pa ang magagawa ng gobyerno para tutukan ang pagpapababa ng presyo ng bilihin at bigyang prayoridad ang sektor ng pagsasaka at pangingisda.

Ayon sa kandidato ng administrasyon, suportado niya ang mga programa na nagbibigay ng subsidy sa mga magsasaka para tulungan ang mga ito sa tumataas na presyo ng abono at binhi sa merkado.

Inihantulad niya ang pag-deklara ng food emergency para mailabas ang mga naiimbak na bigas sa mga warehouses ng National Food Authority.

Samantala, itinutulak rin ni Villar ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Economic Sabotage Law na nagpapataw ng kaukulang parusa sa mga  rice traders at middlemen na nanamantala sa mga magsasaka.

Sa pangmatagalang solusyon, gustong isulong ni Villar ang pagbibigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga bagong henerasyon para mas maging handa sila sa pagsasaka gayundin ang pagbibigay sa kanila ng kaalaman sa makabagong pamaaraan para sa mas maayos na ani ng mga magsasaka. (DANNY BACOLOD)