
May bagong pag-asa para sa mga commuter!
Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na posibleng mag-operate na ang segment ng MRT-7 mula Trinoma hanggang Sacred Heart Station sa Quezon City pagsapit ng 2027 – o baka mas maaga pa.
Sa pagharap ni Dizon sa Commission on Appointments (CA) Committee on Transportation nitong Martes, sinabi niyang ito ang pangakong binitawan mismo ni San Miguel Corporation President Ramon Ang sa kanilang naging pag-uusap.
“Ang commitment po ng San Miguel Corporation, ni Mr. Ramon Ang po mismo… ay operational na po para sa ating mga commuters by 2027. Baka nga mas mapaaga pa—ang pinipilit po natin ay matapos ito by end of 2026,” ayon kay Dizon.
Bagama’t bahagi pa lamang ng MRT-7 ang nakatakdang buksan sa 2027, tinatayang buong linya ay magiging fully operational pagsapit ng 2029.
Kasabay rin ng pagbubukas ng MRT-7 ay ang planong pagtatapos ng Common Station na magkokonekta sa LRT-1, MRT-3, at MRT-7. Halos 15 taon nang tinatrabaho ang mga proyektong ito, ayon kay Dizon.
“Within the term of the President, lahat ng proyektong ito ay matatapos at magiging operational,” giit niya.
Mariing sinabi ni Dizon na hindi pagtayo ng mga bagong kalsada ang sagot sa lumalalang trapiko, kundi ang pagbibigay ng abot-kaya at maaasahang mass transport system.
“Ako po ay naniniwala na ang pagtatayo ng bagong kalye ay magdadagdag lang sa mas maraming sasakyan. Ang tunay na solusyon ay mass transport system na kayang gamitin ng lahat—mayaman, middle class, o mahirap,” aniya.
Matatandaang ilang ulit nang naurong ang target opening ng MRT-7—una ay sa 2025, pagkatapos ay naging 2026 ayon sa San Miguel Corporation. Pero ngayon, may panibagong pag-asa ang mga commuter na baka sa huling bahagi pa ng administrasyon Marcos ay masakyan na nila ang bagong tren.
More Stories
5 Patay, Kabilang ang Sanggol at 2 Bata, sa Sunog sa Pasig
₱200 DAGDAG-SAHOD LUSOT SA KAMARA
₱450K HALAGA NG HIGH-GRADE MARIJUANA NASAMSAM SA MARIKINA