January 28, 2025

MPD SA PUBLIKO: MAG-INGAT SA MGA PEKENG VLOGGER (Bagong modus sa Divisoria)

Nagbabala ang Manila Police District (MPD) sa publiko hinggil sa bagong modus ng mga kawatan na nambibiktima sa may bahagi ng Divisoria at sa ibang matataong lugar.

Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, mag-ingat ang publiko sa mga nagpapakilalang mga vloggers kung saan nanghihikayat ang mga ito na lalabas sa social media ang kanilang mga ginagawa.

Pero target ng mga pekeng vloggers na pagnakawan o dukutan ang biktima kapag nakuha na ang loob ng mga ito.

Sinabi ni Dizon na maiging lumapit sa mga otoridad kung may makakaharap na kahina-hinalang vloggers sa pagtungo sa Divisoria o sa ilang pasyalan sa Maynila.

Aniya, nasa 4,200 na tauhan ng MPD ang nagbabantay sa lahat ng bahagi ng Maynila bukod pa sa 150 personnel na idineploy ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaya’t asahan na ng publiko ang police visibility.

May mga bike patrol at motorcycle unit  ang patuloy na mag-iikot sa buong lungsod ng Maynila habang naka -hightened alert naman na ang MPD hanggang sa araw ng pista ng poong itim na Nazareno.