November 20, 2024

MPD NAKAMONITOR SA MGA NAGSISIMBASA QUIAPO CHURCH

Umabot sa 18,000 nitong alas-3:00 ng hapon ang nagsimba sa Quiapo Church, ayon sa Manila Police District.

Dahil dito, nasa 176,500 ang kabuang bilang ng nagsimba ngayong araw.

Ilang araw bago ang Traslacion 2024 o ang Pista ng Itim na Nazareno, wala namang insidente na nangyayari sa lugar at natapos ang misa ng payapa.

Nauna rito, sinabi ng National Capital Region Police Office na nakahanda na ito sa pag-obserba ng aktibidad sa Martes at sinimulan na ang send-off ceremony para sa mga tauhan nito sa Quirino Grandstand sa Maynila.

Magpapakalat din ang NCRPO ng 15,276 pulis sa lugar dahil sa inaasahang pagdagsa ng 2.3 milyong deboto sa nasabing aktibidad.

Ipinatupad din ng mga awtoridad ang “no fly zone at no drone zone” sa loob ng bisinidad ng Quirino Grandstand at Quiapo Church mula Enero 7 hanggang 10, gayundin ang “no sail zone” sa South Harbor Manila (malapit sa Quirino Grandstand) at Pasig River mula Enero 6 hanggang 10. TOMAS BARROT