TODAS ang isang rider habang sugatan ang angkas niyang dalagang kasamahan sa trabaho matapos sumalpok sa hulihang bahagi ng nakaparadang van ang kanilang motorsiklo Huwebes ng madaling araw sa Caloocan City.
Kaagad binawian ng buhay ang biktimang si Efren Admana, 36, gasoline pump attendant at residente ng Talangka St. Dagat-dagatan, Brgy. 20 habang ginagamot naman sa Caloocan City Medical Center si Judy-Ann Flores, 23, ng Mabini St.,Sto Nino Road, Navotas City matapos magtamo ng mga sugat sa ulo at katawan.
Sa tinanggap na ulat ni Caloocan Police chief P/Col. Samuel Mina Jr, binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng 10th Avenue mula Rizal Avenue Ext. patungong A. Mabini dakong alas-2:45 ng madaling araw sakay ng Honda beat na motorsiklo nang mag-preno sa madulas na bahagi ng lansangan sa kanto ng Luis De Leon St. si Admana na naging dahilan upang dumulas ang motorsiklo at sumalpok sa hulihang bahagi ng nakaparadang Suzuki van na minamaneho ni Julmark Lumapas, 29 ng M. Hizon St. Brgy. 64.
Sa lakas ng pagkakasalpok, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Admana na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan habang isinugod naman ng kanyang mga kaanak sa naturang pagamutan si Flores.
Nakatakda namang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damaged to property ang tsuper ng Suzuki van sa piskalya ng Caloocan City.
More Stories
VIETNAMESE NA NAGPAPANGGAP NA BEAUTY DOCTOR KALABOSO
Nilinaw ng DOF ang pagtukoy sa bahagi ng National Tax Allotment para sa LGUs
REMMITANCE NG PDIC SA GOBYERNO SUMUSUPORTA SA NATIONAL DEVELOPMENT