December 26, 2024

Most wanted sa panggagahasa sa Caloocan, nabitag sa Bulacan

BAGSAK sa kulungan  ang isang lalaki na listed bilang most wanted sa kasong rape sa Caloocan City matapos matimbog ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Bulacan, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado bilang si Daniel Buencibillo, 23 ng No. 145, Libis Orkana, Barangay 20, Caloocan City.

Ayon kay Col. Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Caloocan police na madalas makita ang akusado sa Santa Maria, Bulacan kaya’t nagsagawa sila ng validation sa naturang lugar.

Nang positibo ang ulat, agad nagsagawa ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni P/Major John David Chua, kasama ang 4th at 5th MFC-RMFB NCRPO ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa Amber Homes Subdivision, Brgy. Poblacion, Santa Maria, Bulacan dakong ala-1:00 ng hapon.

Ani P/Major Chua, inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu Judge Glenda Cabello Marin ng Regional Trial Court (RTC) Branch 124, Caloocan City noong December 20, 2022 para sa kasong paglabag sa R.A. 8353 (Anti-Rape Law of 1997).

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, ang Caloocan CPS sa kanilang masigasig na kampanya kontra wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado.