December 24, 2024

Most wanted sa kasong 19 counts of rape, timbog sa Caloocan

NABITAG ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaki na listed bilang top 8 most wanted ng Ilocos Norte dahil sa kasong 19 counts of rape sa isinagawang Oplan Pagtugis sa Caloocan City.

Kinilala ang naarestong akusado bilang si Rodrigo Rafael alyas Jay-Ar Rafael, 39, electrician ng Purok 5, Sitio 4, Vanguard, Area D, Brgy., 178, Camarin, Caloocan City.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang CIDG RFU NCR hinggil sa pinagtataguang lugar ng akusado sa Caloocan City kaya’t nagsagawa sila ng validation sa naturang lugar para alamin ang hinggil sa nasabing ulat.

Nang positibo ang report, bumuo ng team ang CIDG sa pamumuno ni PLTCOL Calvin Cuyag, kasama ang mga tauhan ng 83rd Coy, RDB, PNP-SAF sa pangunguna ni PMAJ Rudy Peang, RID PRO1, PIU Ilocos Norte, Banna MPS, TPU Ilocos Norte at mga tauhan ng Carasi MPS, INPPO sa pangunguna ni PLT Cheryll Cacayorin saka isinagawa ang joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-5:30 ng hapon sa kanyang tinirhan bahay sa Caloocan City.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong September 17, 2003 ni Judge Conrado A. Ragucos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 16, Laoag City, Ilocos Norte para sa kasong Rape (19 counts) at walang inirekomenda ang korte na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ang akusado ay kabilang sa mga most wanted person na may reward na P300,000 na covered ng DILG Memorandum Circulars na may petsang February 9, 2022 para sa Region 1.